Bakers, rising suns nagsipanalo rin: Delta nadungisan ng Waves

Laro ngayon

(The Arena, San Juan City)

2 p.m. Cebuana Lhuillier vs Hog’s Breath

4 p.m. Informatics vs Blackwater Sports

 

 

MANILA, Philippines - Nag-init ang Boracay Rum sa huling yugto para agad na makabalikwas mula sa pagkatalo sa hu­ling laro sa kinuhang 85-75 tagumpay sa EA Regen Med sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Naghatid ng 10 sa 22 puntos sa huling yugto si Maclean Sabellina habang bumitaw ng pangalawang tres sa laro si Roider Cabrera para tuluyang ibigay ang kalamangan sa Waves, 64-63, tungo sa paghablot ng ikatlong panalo matapos ang limang laro.

Bago ito ay nadurog ang tropa ni coach Lawrence Chongson sa kamay ng Big Chill, 60-82, para magkaroon ng pagdududa kung tunay bang palaban ang Waves.

“Malaki ang maitutulong ng panalo sa morale ng mga players. Ngayon ay nakita nilang kaya nilang manalo sa malalakas na team,” wika ni Chongson.

Nadungisan naman ang pagiging team-to-beat sa pagkatalong ito ng Delta na kumuha ng 20 puntos kay Jimbo Aquino.

Bigo naman ang Superchargers na madugtungan ang dominanteng panalo nang padapain sila ng Café France, 80-75 sa isa pang laro.

Agad na lumayo sa first period ang Bakers bago nila isinantabi ang paghahabol ng katunggali upang umakyat at saluhan ang Blackwater Sports sa ikalawang puwesto sa 3-1 karta.

May 15 puntos si Mi­chael Parala para sa Ba­kers na kinuha rin ang ikatlong sunod na panalo.

Pinataob naman ng Cagayan Valley ang baguhang Jumbo Plastic, 83-74, para sa 2-1 karta habang ang Giants ay lumasap ng ikaapat na pagkatalo laban sa isang panalo.

Show comments