Laro ni Yap naapektuhan ng kasong isinampa ni Kris

MANILA, Philippines - Hindi man aminin ay ti­yak na nakaapekto sa pag­lalaro ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap ng San Mig Coffee ang pagbabawal sa kanya ng korte na makasama o makalapit sa kanyang anak na si Baby James o Bimby.

Sa 82-87 kabiguan ng nagdedepensang Mixers laban sa dehadong Air21 Express noong Miyerkules sa 2013 PBA Commissioner’s Cup, tumangging magbigay ng interview si Yap paglabas ng kanilang dugout sa Cuneta Astrodome.

“Saka na muna, huwag na muna mag-interview. Pasensya na ha,” pakiusap ni Yap.

Sa kanilang pagkatalo sa Air21, nagposte si Yap ng 17 points, 3 rebounds, 2 assists at 1 steal sa loob ng 34 minutong paglalaro para sa San Mig Coffee.

Ngunit ang kanyang pun­tos ay nanggaling sa malamya niyang 4-of-14 shooting sa two-point line at 2-of-5 clip sa three-point range.

Bago ang naturang laro ay humarap si Yap para sa pagdinig ng korte kaugnay sa Temporary Protection Order  (TPO) na nakuha ng kanyang dating asawang si Kris Aquino.

Bukod kay Yap, hindi rin nagpaunlak ng panayam si Mixers’ head coach Tim Cone pati na ang mga pla­yers.

 

Show comments