Sinuntok nina Bautista at Bornea: 2 gold sa Pinas

MANILA, Philippines - Hindi ipinahiya nina Jade Bornea at Ian Clark Bautista ang Pilipinas nang kunin ang dalawang ginto sa pagtatapos ng 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships kahapon sa Subic Gym.

Unang sumalang si Bornea at napalaban sa ma­tibay na si Kosei Tanaka ng Japan  sa light flyweight bout. Dikitan ang unang dalawang round at nauwi  ito sa tablang iskor na 3-all at 8-all.

Pero sa ikatlong yugto ay nangibabaw si Bornea, ang 2012 World Youth Championships bronze medalist, sa mga palitan at umiskor sa matitinding kaliwa para kunin ang 15-13 panalo.

Sunod na sumalang si Bautista at naipakita niya ang itinatagong husay laban kay Mirazizbek Murzahalilov ng Uzbekistan sa bisa ng 19-10 tagumpay sa flyweight division.

Ang naunang defensive fight ay nauwi sa one-sided na panalo para kay Bautista dahil nagawa niyang hanapin ang mga butas sa depensa ng Uzbek fighter.

Sa first round pa lamang ay umiskor sa mga kumbinasyon si Bautista para sa 6-3 kalamangan. Sa second round ay lalong nayanig si Murzahalilov nang tamaan ng malalakas na kaliwa upang lumawig ang bentahe sa 13-6.

“Magandang simula. Umaasa kaming magtutuluy-tuloy ito,” wika ni ABAP executive director Ed Picson na nakasama si secretary-general Patrick Gregorio na sinuportahan ang laban ng apat na Filipino boxers.

Dalawa pang boksi­ngero ang magtatangka ng gintong medalya habang isinusulat ang balitang ito.

Si lightweight James Palicte na kinuha sa koponan matapos manalo sa National Championships noong nakaraang buwan, ay sasabak kontra kay Liu XiaoShuai ng China habang si 2011 World Junior champion Eumir Felix Marcial ay makikipagbasagan ng mukha laban kay Batzorig Otgonjorgal ng Mongolia sa light welterweight division.

Pitong bansa lamang mula sa 24 na sumali sa kompetisyong inorganisa ng ABAP-PLDT at may ayuda ng MVP Sports Foundation at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang nagpasok ng mga lahok sa Finals.

Samantala, punuri naman ni AIBA president Dr. Ching-Kuo Wu ang mga ABAP officials na sina chairman Manny V. Pangilinan at president Ricky Vargas sa  maayos na pagdaraos ng isang linggong kompetisyon.

“From the first bout, this championship has proven to be a great success. Under your patronage, the ABAP has surely the potential to grow even more and bring further luster to your boxing,” wika ni Wu kay MVP.

 

Show comments