Mainit ang simula nina Jones at Cruz

MANILA, Philippines - Magandang panimula ang ginawa nina Meredith Jones at Monica Therese Cruz nang manalo sa unang laro sa ikalawang linggo ng Ajay Pathak Memorial Cup  ITF 14-Under Developmental Championship Division 1 girls singles kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang 14-anyos at eight seed na si Jones ay nanaig kay Yulla Kim ng Uzbekis­tan, 6-3, 6-2, habang si Cruz ay namayagpag kay Phuong Nguyen Thu, 6-3, 6-1, sa opening round ng palarong iniaalay para sa namayapang Philta at ITF official Ajay Pathak.

Isang quarterfinalist sa Week I, si Jones ay sunod na babangga  kay Park M­ijeong ng Korea habang ang 13-anyos na si Cruz ay masusukat kay fifth seed Mihika Yadav ng India.

Si Mijeong ay umabot sa second round sa pamamagitan ng 6-3, 6-1, panalo kay Lam Wing Kiu ng Hong Kong habang si Yadav ay wagi kay Elizah Azkarova ng Kyrgyzstan, 6-1, 6-1.

Ang ibang Filipina netters ay sina Rafaela Jean Villanueva, Janelle Carmela Llavore at Chrislyn  Sioson.

Si Villanueva ay nama­alam kay Leila Azimova ng Kyrgyzstan sa tatlong sets, 4-6, 6-2, 2-6; si Llavore ay yukod kay Sruta Kirti Gunuganti ng India, 0-6, 1-6, habang sa 4-6, 4-6,  pagkatalo natanggal si Sioson kay Sadaf Vaziri Sadegh ng Iran.

Muli namang ibinabandera ang boys division ni Week I winner Albert Lim Jr. na nag-bye uli sa first round ng torneo.

 

Show comments