San Miguel babawian ang Dragons sa ABL

MANILA, Philippines - Kulang man sa tao ay lalaban pa rin ng todo-todo ang San Miguel Beer para makaganti sa Westports Malaysia Dragons sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sa ganap na alas-4 ng hapon ang tunggalian at hanap ng Beermen na maipaghiganti ang tinamong 82-76 pagkatalo sa Dragons sa unang pagkikita sa Malaysia noong Pebrero 16.

Nakabangon na ang tropa ni coach Leo Austria sa pagkatalong ito nang kalusin ang Singapore Slingers noong nakaraang Linggo, 66-55, pero magla­laro ang koponan ng wala ang mahuhusay na sina import Gabe Freeman at Erik Menk.

Si Freeman ay pinatawan ng one-game suspension dahil sa sobrang pisikal na laro habang si Menk ay may fractured nose na inoperahan noong Huwebes at magreresulta sa kanyang pagkawala ng isang buwan.

Pupuno sa mababakanteng puwesto ni Menk ay si Hans Thiele.

 

Show comments