Celtics silat sa Bobcats

CHARLOTTE, N.C. -- Isa itong masaklap na araw ng Lunes para sa Boston Celtics.

Hindi lamang dahil natapos ang kanilang seven-game winning streak sa kamay ng pinakamahinang koponan sa NBA, nagka­roon pa ng injury ang isa nilang guard sa 91-94 kabiguan ng Celtics laban sa Charlotte Bobcats.

Nagkaroon si backup guard Leandro Barbosa, nabigyan ng mahabang playing time matapos magkaroon ng season-ending injury si Rajon Rondo, ng isang left knee injury sa third quarter at kailangan pang buhatin papunta sa kanilang locker room.

Sinabi ni coach Doc Ri­vers na sasailalim si Barbosa sa isang MRI sa Martes.

Sa pitong laro matapos mawala si Rondo, nagtala si Barbosa ng ave­rage na 9.0 points para sa seven-game winning run ng Cel­tics.

Ang gabi ay nagtampok naman kay Charlotte big man Byron Mullens.

Humakot ang four-year NBA veteran ng career game 25 points at 18 rebounds para wakasan ng Bobcats ang isang seven-game losing skid.

Tumipa si Mullens ng 10 of 16 fieldgoals, habang nagdagdag si Ramon Sessions ng 19 points para sa Bobcats, kasama dito ang isang go-ahead jumper sa huling 25.7 segundo.

 

Show comments