Patriots kampeon sa NCRAA volley

DASMARIÑAS, Cavite, Philippines --Hindi bumitaw ang La Salle-Dasmariñas Patriots sa final set para talunin ang Rizal Technological University Blue Thunder, 25-23, 26-28, 25-19, 25-18, sa Animo Center court ng DLSU Health Science Institute campus.

Sinandigan ng Pa­triots sina Most Valuable Player Al-Nakran Abdillah at Hudri Kona para panatiling suot ang kanilang men’s volleyball crown sa 20th National Capital Regional Athletic Association (NCRAA) men’s volleyball tournament via 2-0 sweep sa Blue Thunder.

Ang kill at service winner ni Abdillah ang bumasag sa 13-13 pagkakatabla sa fourth set at ginabayan ang Patriots sa 18-13 mula sa pinakawalang 5-0 atake.

Lalo pang lumayo ang Patriots sa 22-14 lamang sa spikefest na suportado ng Mikasa at Molten Balls.

Kagaya ng Patriots, hinirang ding back-to-back champions ang DLSU-Dasmariñas Lady Patriots matapos kunin ang 25-19, 25-9, 25-23 panalo sa Game 2 at walisin ang kanilang best-of-three title series ng Philippine School of Business Administration Lady Jaguars sa 2-0.

Ang dating men’s cham­pion na Philippine Merchant  Marine School ay pumangatlo nang ilista ang 26-24, 26-24, 23-25, 25-17 panalo kontra sa Olivarez College Sea Lions.

Show comments