Aces vs Boosters sa titulo

MANILA, Philippines - Nalusutan ng Alaska ang Barangay Ginebra San Miguel sa overtime, 101-95, para itakda ang kanilang title showdown ng Petron Blaze para sa 2013 Sinulog Cup noong Biyernes ng gabi sa Cebu Coliseum.

Humugot si Cyrus Baguio ng anim sa kanyang 17 points para sa panalo ng Aces sa nasabing four-team pocket tournament.

Nakatakdang harapin kagabi ng Alaska ang Petron para sa korona mula sa magkatulad nilang 2-0 record.

Giniba ng Boosters ang M. Lhuillier Kwarta Padala, 94-68, sa unang laro.

Dinala ni veteran Tony De La Cruz ang laro sa overtime matapos isalpak ang isang three pointer sa natitirang 1.2 segundo sa regulation period para itabla ang labanan sa 89-89.

Huling nakadikit ang Gin Kings sa 94-95 kasunod ang slam dunk ni import Robert Dozier para tapusin ang 6-1 atake ng Aces, nanggaling sa 83-81 panalo laban sa Cebu Ninos.

Umiskor sina Dozier at rookie Calvin Abueva ng tig-18 points para sa Alaska, habang may 23 naman si Jayjay Helterbrand at 18 si import Herbert Hill para sa Ginebra.

 

Show comments