MANILA, Philippines - Pinagmulta si Indonesia Warriors Fil-Am 6’7 forward Richard Smith ng ASEAN Basketball League (ABL) dala ng ‘di magandang ikinilos laban kay San Miguel Beermen center Asi Taulava na muntik ng nauwi sa suntukan ng dalawa.
Nakita sa review ng tape ng laro na nangyari noong Enero 11 sa MahaÂka Square sa Indonesia na binangga ng balikat ni Smith si Taulava sa puntong nagkakamayan na ang dalawang kampo.
Napanood ng mga tao ang ‘di magandang inasal ni Smith dahil ang laro ay isinaere sa ESPN.
Nanalo ang Beermen sa Warriors, 64-53, para bawian kahit paano ang masaklap na kabiguan na nangyari sa San Miguel sa finals nila ng Indonesia noong nakaraang season.
“The league reviewed the video evidence and has concluded that this is considered unsportsmanlike behavior as outlined in the league’s rules and regulation,†wika ng liga sa naging desisyon.
Pagmumultahin ng hindi batid na halaga si Smith pero makakasama siya sa koponan sa susunod nilang laro laban sa Saigon Heat sa Enero 19. Hindi umapela ang Warriors sa desisyon ng liga.
Pahinga rin ang Beermen dahil sa Enero 26 pa ang sunod nilang laro laban sa Saigon at upang hindi kalawangin ay sumasaiÂlalim ang koponang hawak ni coach Leo Austria sa mga tune-up games.
Kinaharap ng Beermen kahapon ang Barako Bulls na kanilang inilampaso, 97-77.
Si Gabe Freeman na nagtala lamang ng 8 puntos laban sa Indonesia dahil sa pagkakalagay sa foul-trouble ay mayroong 31 puntos habang sina Brian Williams, Chris Banchero at Taulava ay naghatid ng 18, 12 at 12 puntos.
Ang Bulls ay ibinandera ng dating Warriors import Evan Brock na tumapos taglay ang 12 puntos.
Sa Biyernes ay kalaban ng Beermen ang Ginebra San Miguel at sa susunod na linggo ay makakasukatan ang Petron sa tune-up games.