Brooklyn tinapos ang pananalasa ng Thunder

 OKLAHOMA CITY --Sa kanyang ikatlong sunod na laro bilang interim coach, iginiya ni P.J. Carlesimo ang Brooklyn Nets sa isang malaking 110-93 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.

 Umiskor si Joe Johnson ng season-high 33 points, habang nagtala si Deron Williams ng 19 points at 13 assists para wakasan ng Nets ang 12-game home winning streak ng Thunder sa Oklahoma City.

 Itinampok sa laro ang unang pagpapatalsik sa laro ni Kevin Durant.

 Nagtayo ang Nets ng isang 23-point lead sa dulo ng second quarter bago nakatabla ang Thunder sa 85-85.

 Isang 23-8 atake ang ginawa ng Brooklyn para muling kontrolin ang laro, samantalang napatalsik naman sa laro si Durant da­hil sa pakikipagtalo kay re­feree Danny Crawford matapos tawagan ng technical foul ang kakamping si Kendrick Perkins.

“I just thought it was a bad call. You get frustrated throughout a game, you show emotion. That’s how you can tell you love it,’’ sabi ni Durant, nagposte ng 27 points para sa Thunder.

Hindi pa nasisibak sa isang laro ang three-time scoring champion na si Durant sa kanyang anim na NBA seasons.

Nagdagdag si Brook Lopez ng 25 points para wakasan ng Brooklyn ang kanilang seven-game lo­sing slump.

Show comments