MANILA, Philippines - Sa taong 2012 naabot ni Mikee Romero ang tugatog ng tagumpay bilang isang team owner sa larangan ng basketball.
Noong Hulyo ay naisakatuparan ni Romero ang matagal niyang pangarap na magkaroon ng sariling koponan sa pro league na Philippine Basketball Association nang paborableng aktuhan ng league commissioner Chito Salud at mga Board of Governors ang bentahang naganap sa pagitan ng Sultan 900 Inc. at Powerade Tigers.
Hindi inanunsyo ang halaga ng bentahan pero mainit na bulung-bulungan na hindi bababa sa P100 milyon ang iginugul dito.
Sa pagpapasok ni Romero sa pro league, masasabing nakumpleto niya ang cycle ng isang team owner dahil dumaan muna siya sa amateur league, national team at sa semi-professional league.
Gumawa ng pangalan si Romero sa Philippine Basketball League nang ang kanyang pag-aaring koponan na Harbour Centre/Batang Pier/Oracle Residences ay nanalo ng pitong sunod na titulo sa liga.
Kasabay ng pagdodomina sa PBL ay ang pagpayag ni Romero na tumayo bilang team manager ng pambansang koponan para sa 2007 Chang Mai SEA Games sa Thailand. Hindi natalo ang nationals sa kabuuan ng torneo para magkaroon din ng makulay na pagbabalik ang Pilipinas sa basketball matapos suspindihin ng dalawang taon ng FIBA dala ng problema sa liderato.
Kasama rin si Romero noong binuo ang ASEAN Basketball League noong 2009 at ang pag-aaring Philippine Patriots ang siyang lumabas bilang kauna-unahang kampeon ng liga.
Nag-runner-up ang Patriots sa ikalawang taon dahil na rin sa mga problema sa imports at noong nakaraang season ay pumangatlo dahil din sa problema sa reinforcements.
Matapos ang ikatlong taon sa ABL ay nagdesisyon si Romero na iwanan na ito matapos masama na sa PBA.
Gamit ang Globalport Batang Pier, ang koponan ay tumapos lamang ng 1-13 record para agad na mamaalam.
Hindi man naging maganda ang unang paglahok, tiyak naman na magsisikap ang Batang Pier na mas gumanda pa ang ipakikita sa mga susunod na torneo hanggang maabot ang tagumpay na makakabit sa lahat ng koponang hinawakan ni Romero.