Kahit laglag sa No. 1 sa WPA rankings, Orcollo pinakamarami pa ring kinita
MANILA, Philippines - Wala na kay Dennis Orcollo ang pagiging number one pool player sa mundo na iginagawad ng international body World Pool Association, pero hindi ito nangangahulugan na hindi produktibo ang taong 2012 para sa Bislig, Surigao del Sur cue artist.
Si Chang Jun-ling ng Chinese Taipei ang number one player ngayon pero pinawi ng 33-anyos na si Orcollo ang bagay na ito nang malagay naman bilang ikatlo sa may pinakamaraming kinita sa pool.
Sa ngayon, si Orcollo ay nakapag-uwi na ng $101,150.00 premyo at ang nakaangat lamang sa kanya sa listahan ng AZBilliards.com ay sina Shane Van Boening at Darren Appleton.
Una si Van Boening sa $139,923.00 habang si Appleton ang nasa ikalawang puwesto sa $109,904.00.
Sumali sa 15 malalaking torneo si Orcollo at nanalo siya sa China Open at US 10-ball Open para i-uwi ang $40,000.00 at $15,000.00 gantimpala.
Nalagay din si Orcollo sa ikalawang puwesto sa US Open 9-ball at pumangatlo sa Guinness World Series of Pool para katampukan ang magandang resulta sa malalaking pool events sa 2012.
Wala ng Pinoy pa ang nasa top 10 dahil si Francisco Bustamante ang siyang ikalawang pinakamahusay na pool player ng bansa ay nasa ika-15th puwesto sa $30,025.00 premyo habang si Warren Kiamco ang pangatlong pinakamahusay na player ng bansa na nasa 30th pangkalahatan sa $21,275.00 premyo.
- Latest