AFF magbibigay ng P4.2M sa mga biktima ni Pablo
MANILA, Philippines - Halagang US$100,000 o halos P4.2 milyon piso ang ibibigay na tulong mula sa ASEAN Football Federation (AFF) para sa mga nabiktima ng bagyong Pablo na may international code name na typhoon Bopha.
Sa isinagawang AFF Council Meeting noong Disyembre 22 sa Bangkok, Thailand, mismong si His Royal Highness Sultan Haji Ahmad Shah, na pangulo rin ng AFF, ang nag-anunsyo sa bagay na ito at ipagkakatiwala ang pera sa Philippine Football Federation (PFF).
Sa susunod na buwan ibibigay ng AFF ang nasabing halaga bilang kanilang humanitarian aid para sa malaking bilang ng tao na naapektuhan ng bagyo.
Ang Mindanao ang napuruhan ng pagragasa ng bagyong Pablo noong unang linggo ng Disyembre at sa kasalukuyan ay umabot na sa 1067 ang patay at may 800 katao ang nawawala.
Sinasabing papalo ng hindi bababa sa 1,500 ang taong namatay habang libu-libo pang mamamayan ang nananatili sa mga evacuation centers at naghihintay ng dagdag tulong upang sila ay makabangon uli.
Ito ang ikalawang tulong na nanggaling sa sport ng football.
Ang una ay ang pagbibigay ng Philippine Azkals ng napanalunang premyo sa 2012 AFF Suzuki Cup na $50,000.
Nagkaroon ng gantimpala ang Pilipinas matapos ang pag-usad uli sa semifinals at hinarap ang Singapore sa home and away format.
Ngunit minalas ang Azkals na yumukod sa Lions sa kanilang away game, 1-0, upang masayang ang 0-0 scoreless draw sa unang tagisan sa Rizal Memorial Football Pitch.
Ang Singapore ang lumabas na kampeon ng Suzuki Cup matapos magkaroon ng 3-2 aggregate total sa Thailand sa home-and-away Finals.
- Latest