Masyadong maaga pa naman para isipin ito, pero kung sakaling makarating sa Finals ng 2012-13 PBA Philippine Cup ang San Mig Coffee, aba’y magkakaroon ng napakalaking tsansa si James Yap na mapanalunan ang kanyang ikatlong Most Valuable Player award!
Iyan ang isa sa mga ‘perks’ na nakataya sa labanan ng Mixers at Rain or Shine Elasto Painters.
Ang manlalaro o main man ng alinman sa dalawang koponang ito ay magkakaroon ng tsansang makapagdagdag ng napakalaking statistical points na magiging mahirap i-overhaul kung sakali.
Kasi nga’y napakalaki ng porsyento ng statistical points na nanggagaling sa Philippine Cup kumpara sa natitirang dalawang conferences--ang Commissioners Cup at Governors Cup.
Kasi nga’y napakaprestihiyoso ng Philippine Cup. Mga locals lang ang naglalaro dito at wala silang inaasahang mga kakamping imports.
Kaya naman natin nabanggit si Yap ay dahil sa siya ang main man ng San Mig Coffee.
Kapag gitgitan, dikdikan at pitpitan ang laban, natural na sa kanya pupunta ang kanyang mga kakampi. Natural na ang ididisenyong play ni coach Tim Cone ay para sa kanya kahit pa alam ng lahat na siya ang pagkukulampulan ng depensa ng kalaban.
Ito naman talaga ang papel ni Yap buhat nang siya’y tumuntong sa PBA. Ito ang papel na ibinigay sa kanya ng kanyang unang coach sa pro league na si Paul Ryan Greorio.
Sa ilalim ni Gregorio ay nag-blossom si Yap at nagwagi ng dalawang MVP awards.
Sa ngayon ay iilan pa lang ang multi-MVP winners sa PBA at isa doon ay kasama ni Yap sa San Mig Coffee. Ito’y walang iba kundi ang kanilang team manager na si Alvin Patrimonio na nagwaagi ng MVP ng apat na beses na tulad ni Ramon Fernandez.
Ang maganda rito kay Yap ay ang pangyayaring kahit na may nananakit sa kanyang katawan ay patuloy pa rin siya sa paglalaro.
Hindi nga ba’t two years ago ay may dinaramdam siya sa ilong pero laro lang ang kanyang ginawa. Pagkatapos ng season, tsaka siya nag-paopera.
Ngayon naman ay nananakit ang kanyang tuhod at paa. Katunayan ay hindi nga siya naglaro sa huling game ng San Mig Coffee sa pagtatapos ng elimination round. Minabuti ni Cone na ipahinga muna siya upang mapaghandaan ang quarterfinals kontra Petron Blaze.
Oo’t natalo ang San Mig Coffee sa larong iyon subalit nagbunga naman ng maganda ang pahinga ni Yap dahil nagwagi ang Mixers laban sa Petron sa quarterfinals upang umabot sa semis.
Sa Game One kontra Rain or Shine ay nalimita si Yap sa 11 puntos. Natalo ang Mixers, 91-83.
Pero bumawi si Yap sa Game Two kung saan umiskor siya ng 34 puntos upang manalo ang Mixers, 106-82. Puwede pa nga sanang umabot sa 40 puntos ang performance ni Yap subalit inilabas na siya’t pinagpahinga ni Cone.
“Tingnan ko yung laro ko sa Game One. Masyado kong pinahirapan ang sarili ko dahil drive ako ng drive. Nakalimutan ko na may outside shots pala ako,” ani Yap na nagpapasok ng pito sa 12 tira buhat sa three-point area sa Game Two.
Inamin ni Yap na muntik nang bumigay ang kanyang kanang tuhod niya sa Game One.
“Masakit pa rin pero hanggang kaya ko lalaro pa rin ako,” aniya.
Yan ang attitude ni Yap. kaya naman hindi lang mga fans ang humahanga sa kanya kundi pati na rin ang mga kakampi at coaching staff sa San Mig Coffee.
Tignan natin kung makakatatlong MVP award si Yap!