MANILA, Philippines - Tinapatan ng San Beda ang 5-0 karta ng nagdedepensang kampeon sa kalalakihan na Perpetual Help nang kanilang lapain ang Emilio Aguinaldo College sa 88th NCAA volleyball noong Huwebes sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib sa 21 kills sina Lorenzo Capate at Gilbert Ablan para sa Red Lions na naisantabi ang magandang laban ng Generals sa ikalawa at ikatlong sets tungo sa 25-14, 25-23, 25-21, panalo.
May 14 puntos si Capate mula sa 11 kills at 3 blocks habang si Ablan ay mayroong 13 marka na kinatampukan ng 10 attack points at 3 blocks.
Parehong may 23 errors ang Lions at Generals sa larong umabot ng 62 minuto pero nagdomina ang San Beda sa spike, 40-28, bukod pa sa blocks, 11-7, at service aces, 1-0.
Ikalawang pagkatalo sa apat na laro ang tinanggap ng Emilio Aguinaldo College na sinandalan ang 10 kills ni Kerth Melizza.
Gumanti naman ang junior team ng EAC sa pamamagitan ng 25-14, 25-16, 25-18, panalo sa Red Cubs.
May walong service aces ang Brigadiers sa laro para ipakita ang mahinang receptions ng Red Cubs para patuloy na pangunahan ang juniors division sa 3-0 karta.
Ikaapat na pagkatalo naman ito ng Lions sa dibisyon.
Ang Perpetual Help ay nanaig din sa Letran Squires, 25-14, 25-20, 25-19, sa larong tumagal ng 45 minuto.
Ang Squires ay mayroong 2-2 baraha at si Cedri Rasing ay mayroong 9 kills at 3 blocks.