MANILA, Philippines - Mabibiyayaan ang mga atletang nasa pangangalaga ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagtitipid na ginawa ng ahensya sa taong 2012.
Nakalikom ng sapat na pondo ang ahensya ng pamahalaan sa palakasan para magamit nila sa pagpapaayos sa pinangangasiwaang pasilidad at mga quarters na papabor sa mga atleta.
Binanggit ni PSC chairman Ricardo Garcia ang napapanahong renobasyon sa tennis court, baseball field at football field sa Rizal Memorial Sports Complex at track and field at living quarters sa Philsports para mas maging kumportable ang mga atletang maghahanda para sa 2013 SEA Games sa Myanmar.
“Ang center court ay lalagyan namin ng bubong para mas magandang paglaruan. Lalagyan din naming ng ilaw ang basefield para mapaglaruan sa gabi habang synthetic field ang gagawin namin sa football pitch.
Ang Ultra field ay gagawin na bilang athletics field habang sisikapin namin na maging hotel-type ang living quarters sa Philsports. Ang mga ito ay magagawa na ng PSC dahil may pondo na kami para rito,” wika ni Garcia.
Halagang P20 hanggang P25 milyon ang guguguling pondo sa football at athletics pero handa umano ang PSC sa gagastusin na mas mura dahil sa China nila kukunin ang mga materyales na ikakabit dito.
Naunang nagplano ang Philippine Football Federation (PFF) na ayusin ang Rizal pitch at gawing all-weather pitch sa tulong ng international body FIFA pero isinantabi ito ng PSC dahil nais ng FIFA na may control sa pamamalakad ang kanilang kinikilalang National Sports Association.
Nais nilang masimulan ng maaga ang renobasyon para makaabot pa sa huling yugto ng pagsasanay ng pambansang atleta para sa Myanmar Games.