Sa huling segundo ng third round: Donaire pinatumba si Arce

HOUSTON -- Isang linggo matapos pa­tulugin ni Juan Manuel Marquez si Fi­lipino legend Manny Pacquiao sa sixth round, isang third-round knockout na­man ang itinala ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. laban sa kaibigang si Jor­­ge Arce kahapon sa harap ng 7,250 ma­­nonood dito sa Toyota Center.

Pinabagsak ng 30-anyos na si Do­naire ang 33-anyos na si Arce sa huling segundo sa third round mula sa isang left hook para mapanatiling suot ang kan­­yang WBO super bantamweight crown.

“I pretty much timed Arce,” ani Do­naire. “I knew he would open up. He hurt me a little. My left hand is not completely healed. I needed to figure out the distance to get him to open up.”

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni  Do­naire, nagbabandera ngayon ng 31-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, ngayong 2012.

Noong Pebrero ay tinalo ni Donaire si Wil­fredo Vazquez Jr. via split de­cision para ang­kinin ang WBO super ban­tamweight title na binakante ni Jorge at binigo si South African Jeffrey Mathebula para idagdag ang IBF belt noong Hulyo.

Isang ninth-round stoppage naman kay dating WBC titleholder Toshiaki Nishioka ng Japan ang itinala ni Donaire noong Oktubre.

Unang pinatumba ni Donaire si Arce mu­la sa kanyang right-left combination sa hu­ling minuto ng second round at sa third round ay muling pinabagsak ni Donaire si Ar­ce buhat sa isang right hand at isang left up­percut.

Ang matulis na left hook ni Donaire ang tu­luyan nang tumapos kay Arce sa huling se­gundo sa third round.

Hindi na tinapos ni referee Laurence Cole ang pagbibilang kay Arce sa 2:59 nito.

Show comments