Sila rin ba ang magkikita sa finals?

Nakahinga ng maluwag sina coach Norman Black at coach Tim Cone matapos na magtagumpay ang kani-kanilang koponan kontra sa magkahiwalay na ka­laban sa quarterfinal round ng 2012-13 PBA Philippine Cup noong Huwebes.

Kapwa may taglay na twice-to-beat advantage ang Tropang Texters at Mixers dahil sila ang top two teams sa pagtatapos ng 14-game elims.

Tinalo ng Talk N Text ang No. 8 seed Air21, 105-100, samantalang naungusan ng San Mig Coffee ang Petron Blaze sa overtime, 91-87.

Dahil sa tagumpay nila ay dumiretso na kaagad sila sa best-of-seven semifinals round na magsisimula sa Martes.

Sa totoo lang, papasok sa quarterfinals ay andap sina Black at Cone sa kani-kanilang katunggali.

Sa parte ni Black ay nasabi niyang ibang-iba na ang laro ng Air21 ngayon. May sapat na sandata ang Express at kapado na sila ni coach Franz Pumaren.

Kilala na rin naman ni Black si Pumaren dahil ilang beses na silang nagtuos sa UAAP kung saan si Black ay coach ng Ateneo samantalang si Pumaren ang may hawak ng karibal na La Salle. So,  sa collegiate level pa lang ay binabasa na nila ang isa’t isa.

Kahit na nga natalo ang Air21 sa Talk N Text ng dalawang beses sa elimination round, hindi pa rin kumbinsido si Black na magiging madaling assignment ang Express sa quarterfinals. Kasi nga, sa dalawang larong  iyon ay hindi din convincing ang panalo ng Tropang Texters. Sa dulo din halos nagkatalo.

At hindi nagkamali si Black sa kanyang assessment. Nahirapan nga sila bago naidispatsa ang Air21 noong Huwebes. Kinailangang pumasok ang mga clutch baskets nina Jayson Castro at Ranidel de Ocampo sa endgame upang maseguro ang tagumpay.

Sa panig ng San Mig Coffee, marahil ay taglay pa nila ang bangungot ng nakaraang season papasok sa duwelo kontra Petron Blaze.

Kasi nga, noong nakaraang season sa Philippine Cup din, top team ang San Mig Coffee na dating kilala bilang B-Meg  Derby Ace. Nakalaban nila ang eight-seed Powerade at may twice-to-beat  advantage din sila.

Sukat ba namang talunin sila ng Powerade ng da­lawang beses at tuluyan silang malaglag. Dumiretso nga sa Finals ang Powerade kung saan natalo ito sa Talk N Text.

Natural na ayaw ni Cone na maulit ang karanasang iyon.  Kaya ayaw niya na bigyan ng pag-asa ang Petron. Ayaw niyang magkaroon ng Game Two.

Sabi nga niya bago nagsimula ang laro, “we worked hard to make it to No. 2 and gain the twice-to-beat ad­vantage only to face Petron!” kasi nga, hindi naman ina­asahang malalaglag sa pampitong puwesto ang Pe­tron sa elims. Marami ang umaasang magiging isa sa top two teams ang Boosters dahi sa tindi ng line-up nila.

 Pero nagkawindang-windang ang kanilang kampanya.

Well, muntik nang makapuwersa ng sudden-death ang Boosters dahil nga sa nagtabla pa ang score, 79-79 sa pagtatapos ng regulation period at nangailangan pa ng extra five minutes para madesisyunan ang Game One.

Ngayon ay siguradong napalis na ang bangungot sa ruta ng Mixers.

Ang tanong: Naunang makarating ang Talk N Text at San Mig Coffee sa semis. Sila rin ba ang magkikita sa Finals?

***

HAPPY birthday kina Frederick Nasiad at Malou Aquino-Manuel na magdiriwang bukas, December 16. Belated birthday greetings kay Beth Celis na nagdiwang kahapon, December 14.

 

Show comments