Babangon tayo! pangako ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Babangon tayo.

Ito ang mensaheng bini­tiwan ni Manny Pacquiao sa mga kapanalig na nagbigay ng mainit na pagsalubong sa kanyang pagdating kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport.

Kasama niyang duma­ting ang asawang si Jinkee at nanguna naman sa mga sumalubong si Bise Presidente Jejomar Binay at iba pang kasamahan ni Pacquiao sa Kongreso.

Napuno ang arrival area at naipakita ng mga bumati kung gaano nila kamahal ang Pambansang kamao sa bitbit na streamers na nagsasabing siya pa rin ang pinakamahusay na bok­singero sa mundo kahit dumanas ng 6th round knockout sa kamay ni Juan Manuel Marquez noong nakaraang Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Pinasalamatan agad ni Pacquiao ang mga  sumalubong sa kanya at nangakong babawi sa 2013.

Dalawang laban ang sinagupa niya sa taong ito at ang unang tagisan ay nangyari noong Hunyo at lumasap si Pacquiao ng kontrobersyal na split decision na pagkatalo laban kay Timothy Bradley Jr.

“Babangon tayo. We will rise again,” wika ni Pacquiao na tinugunan ng mainit na palakpakan mula sa mga nakapakinig.

Idinagdag pa ni Pacquiao na maluwag sa loob niya at tanggap ang di magandang pagkatalong ito.

“Ganoon talaga kasama sa larangan ng boxing kapag dumating ang panahon na ganito kailangang buong-buo na tanggapin,” pahayag nito.

“Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Hindi naman tayo nabugbog o ano, lamang pa nga tayo. Talagang ganoon ang boksing, may disgrasya talaga at natiyempuhan tayo,” pahabol ni Pacman.

Ang paghayag na babangon siya ang tuluyan ding nagsantabi sa kahili­ngan ng kanyang pamilya na tumigil na sa pagbo-boxing.

“Yes, lalaban uli ako, ‘di pa tapos ang laban. Pa­hinga muna tayo ngayon pero sinasabi ko ‘di pa ako magreretiro. Mga 3 months pahinga bago lumaban 5 to 6 months, April o May. Mas malakas na Manny Pacquiao ang makikita nila,” dagdag nito.

Handa rin niyang sagupain uli si Marquez sa ikalimang pagkakataon pero lahat ng ito ay nakadepende sa naisin ng kanyang promoter na Top Rank.

Wala namang komento si Jinkee matapos marinig na hindi pa magreretiro ang kanyang asawa.

“No comment ako nga­yon dahil siyempre di ko alam ang nasa isip niya. Pero kung kaming pamilya ang tatanungin, ayaw na namin at napag-usapan na namin ito. Maaaring hihi­kayatin ko uli siya tungkol dito,”  tugon ni Jinkee.

Pinatotohanan din ni Pacquiao ang pangakong pagtulong sa mga kababayan sa Mindanao na nasalanta ng bagyong Pablo nang ihayag din ang pagpapalabas ng P10 mil­yon mula sa sariling bulsa.

Mula sa airport ay nagpunta ang mag-asawa sa Midas Hotel para makapagpahinga bago tumungo sa bahay sa Biñan upang makita ang mga anak.

 

Show comments