ILOILO CITY, Philippines--Walong gintong medalya ang inangkin ni Atanacio Pellicer ng Nueva Ecija para maging atletang may pinakamaraming nasikwat na gold medals sa pagtiklop ng PSC-POC Batang Pinoy 2012 National Finals kahapon.
Nagwagi si Pellicer sa cab men’s 20-meter, 30m, 40m, 50m, single FITA, Olympic Round at nakasama sa team event at Mixed Team Olympic Round sa sports meet para sa mga batang may edad 15-anyos pababa.
Pumana naman ng tig-pito sina Mary Queen Ybanez ng San Fernando City at Abelardo Villamor ng Baguio City sa kani-kanilang event.
Sa swimming, kumuha ng kabuuang 16 gintong medalya ang Quezon City mula sa pangunguna ng tig-anim nina Raissa Regatta Gavino at Kirsten Chloe Daos at lima kay Jeremy Brian Lim.
“Talagang expected ko pong makaka-six golds ako dito sa National Finals kasi po naka-six golds din ako sa Marikina leg,” sabi ng eighth grader mula sa Immaculate Conception Academy na si Daos.
Sumunod sa Quezon City ang Manila (10), San Juan (6), Bulacan Province (5) at Angeles City (5).
Sa boxing, apat na ginto ang ibinulsa ng Panabo City, habang may dalawa ang Mandaue City at tig-dalawa sa Mandaluyong City at Zambales Province.