Uzbeks boxer pinaghandaan ni Bornea
MANILA, Philippines - Panandalian binigyan ng pahinga ng coaching staff si Jade Bornea na siyang nalalabing Pinoy boxer na lumalaban pa sa prestihiyosong 2012 AIBA World Youth Boxing Championships sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Walang aksyon ang torneo kahapon at si Bornea ay binigyan ng pagkakataon na makapamasyal at makapamili ng ilang pasalubong sa kanyang pag-uwi ng Pilipinas.
Ang bagay na ito ay ginawa para maipahinga kahit kaunti ang kanyang isipan sa pagdiskarte para sa asam na puwesto sa finals sa light flyweight division.
Kinahapunan ay saka naupo sina Bornea at ang coaching staff na binuo nina Romeo Brin at Elmer Pamisa para panoorin ang tape at diskartehan ng maganda ang katunggaling si Muradhon Akhmadaliyev ng Uzbekistan.
Nahawakan ng 17-anyos tubong South Cotabato na si Bornea ang bronze medal nang talunin si Jack Bateson ng England sa quarterfinals, 16-12.
Si Bornea ang natatanging boksingero mula South East Asia na nakaabot sa medal round at ang Pilipinas ang isa sa 23 bansa na nakaabante sa semifinals.
- Latest