MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang mahu-say na porma nina Ian Clark Bautista at Jade Bornea para makausad na sa quarterfinals sa idinadaos na 2012 AIBA World Youth Boxing Championships sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Unang umani ang tubong Binalbagan, Negros Occidental na si Bautista ng 17-7 panalo laban kay Khakimjon Ubaydullaev ng Uzbekistan bago isinunod ang Koreanong si Ham Sang-myeong, 20-12, para lumapit sa isa pang panalo upang makatiyak ng medalya sa flyweight division.
Mas napaboran si Ham dahil siya ay bronze meda-list sa 2011 World Junior Championships sa Astana, Kazakhstan pero wala siyang naisagot sa mga magagandang patama at matibay na depensa ni Bautista.
Matapos ang dalawang rounds ay hawak na ni Bautista ang 14-8 panalo bago tinapos ang ikatlong round sa 6-4 iskor.
Nasundan naman ng tubong South Cotabato na si Bornea ang 19-6 panalo kay Dimitrys Zaharovs ng Latvia sa unang laban sa mas kumbinsidong 19-10 tagumpay laban kay Tinko Banabakov ng Bulgaria.
Ito lamang ang unang international tournament ng 17-anyos na si Bornea na kumakampanya sa light flyweight division at malaking panalo ito dahil si Banabakov ay mas beterano sa kanya.
Hindi naman sinuwerte ang 2011 World champion na si Felix Eumir Marcial nang lasapin ang masakit na 7-11 pagkatalo kay Slovakian national champion at European Olympic qualifying veteran Michal Zatorsky sa lightweight division.
Si Marcial ang ikalawa sa apat na boksingero ng ABAP na nasibak.