Japanese netters winalis ang Week 2

MANILA, Philippines - Kinumpleto nina Yusuke Takahashi at Nozomi Ohya ng Japan ang kanilang pagwalis sa singles divisions ng Phinma International Juniors (Week 2) kahapon sa Rizal Tennis Center.

Tinalo ng third-seeded na si Takahashi ang kababa­yang si No. 7 Sora Fukuda, 4-6, 6-1, 6-1, para sa korona ng boys’ class.

Binigo naman ni Ohya si unseeded Yukina Saigo, 3-6, 7-6 (6), 7-5, upang kunin ang titulo sa girls’ category.

Nanggaling si Takahashi, ang No. 319th sa mundo, sa kabiguan sa Week One matapos matalo sa 13-anyos na si Filipino pride Alberto Lim.

Nagmula naman si Ohya sa malaking 6-7(5), 7-5, 6-3 tagumpay laban kay No. 2 Miki Kobayashi sa quarterfinals noong Huwebes.

Nakipagtambal si Kobayashi kay Week One winner Ma­rian Jade Capadocia ng Pilipinas para igupo sina Ohya at Saigo, 3-6, 6-2, 12-10, sa finals ng girls’ doubles.

 

Show comments