Capadocia, Kobayashi doubles champ

MANILA, Philippines - Hindi man nadepensahan ang kampeonato sa girls singles ay makinang pa rin ang naipakita ni Ma­rian Jade Capadocia sa Phinma International Junior Tennis Championships Week II nang magbunga ang tambalan nila ni Miki Kobayashi ng Japan sa girls doubles.

Kinailangan nina Capa­docia at Kobayashi na magpakita ng katatagan sa tie-break para maiuwi ang 3-6, 6-2, (12-10), panalo laban kina Nozomi Ohya at Yukina Saigo ng Japan at hiranging kampeon sa doubles.

Umabante na ang top seeds sa 8-5 pero buma-ngon sina Ohya at Saigo at nagawa pang lumamang ng isa, 9-8. Pero naibalik nina Capadocia at Kobayashi ang tikas ng laro para kunin ang apat sa huling limang puntos na kanilang pinaglabanan.

Ang panalo ni Capadocia ay kanya ring pambawi kay Ohya na umiskor sa kanya ng 6-3,6-3, panalo sa unang laro sa girls singles para agad na masibak sa tagisan.

Ang kampeonato sa doubles at singles noong nakaraang taon ay makakatulong para tumaas pa ang morale ng 17-anyos na si Capadocia sa pagsalang sa PCA Open na kung saan siya ang nagdedepensang kampeon sa women’s singles.

Isa naman kina Ohya at Saigo ang mag-uuwi ng titulo dahil sila ang maglalaban para sa titulo sa girls singles.

Show comments