BANGKOK--Hindi mailarawan ang naramdaman ng Philippine Azkals nang pumito si Omani referee Abdul Baqi Yaqoob para pormalisahin ang pagpasok ng mga Pinoy booters sa semifinal round nang gibain ang Myanmar, 2-0, sa 2012 AFF Suzuki Cup Group A noong Biyernes ng gabi.
Pinunasan nila ang kanilang mga luha, habang itinaas naman ni German coach Michael Weiss ang kanyang mga braso bilang simbolo ng tagumpay.
Kinuha ni team captain Chieffy Caligdong ang isang malaking Phl flag at ipinagmalaking iwinagayway ito sa harap ng nagdiriwang ng halos 1,000 Filipino fans na nagpilit talunin ang mga Burmese sa paramihan ng tagahanga sa Supachalasai Stadium.
“Everybody was emotional because the first game was quite a downer losing to Thailand. But we recovered in the next two games, we got the six points and we’re through and look forward to whomever it is we’re meeting in the semis,” sabi ni Azkals manager Dan Palami.
Matapos malasap ang 1-2 kabiguan sa Thailand, bumangon ang Azkals para biguin ang Vietnam, 1-0.
Ang panalo naman ng Azkals sa Myanmar White Angels ang kanilang kauna-unahan matapos ang anim na kabiguan at tatlong pagtatabla sapul noong 1985.
Sinabi ni Philippine Football Federation president Nonong Araneta na ang pagpasok ng Azkals sa Final Four ng 2012 AFF Suzuki Cup ay resulta ng kanilang pagtitiyaga at sakripisyo.
Sa panalo laban sa Burmese, sumandal ang Azkals kina Dennis Cagara, Juani Guirado, Jason de Jong, Phil Younghusband at Angel Guirado.
Dalawang minuto matapos ang halftime break, isinalpak ni Younghusband ang isang goal mula sa long ball ni de Jong na nakalusot kay Myanmar goalkeeper Thia Si Thu.
Ang ikalawang puntos ng Azkals ay nanggaling kay Guirado, ang pamalit kay Denis Wolf, buhat sa pasa ni Carli Murga.
Matibay na depensa naman ang ibinigay ni Cagara, Guirado, Rob Gier at de Murga at goalkeeper Ed Sacapaño kontra sa atake ng White Angels lalo na sa kanilang pambatong si Kyi Lin.
Nakaipon ang Azkals ng six points (2-0-1) para pumangalawa sa Thailand (nine points) sa Group A.
Tinalo ng Thailand ang Vietnam, 3-1, sa isa pang laban sa Rajamangala Stadium.
Makakatapat ng Phl XI ang topnotcher sa Group B sa susunod na Sabado sa first leg ng isang two-leg semis series na idaraos sa Rizal Memorial.