Azkals ‘di patatalo sa Myanmar

BANGKOK -- Matapos talunin ang Vietnam sa ika­lawang pagkakataon, lalabanan naman ng Philippine Azkals ang Myanmar sa hangaring makapasok sa semifinal round ng AFF Suzuki Cup sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Nanggaling sa 1-0 panalo kontra sa 2008 titlist na Vietnam, asam ng Azkals ang three points laban sa Myanmar na may one point sa Group A.

Nauna nang umabante sa Final Four ang Thailand mula sa kanilang six points sa bisa ng dalawang panalo.

Maghaharap ang Az­­kals at ang Myanmar ngayong alas-8:20 ng gabi (9:20 ng gabi sa Maynila) sa Supachalasai Stadium kasabay ng banggaan ng War Elephants ng Thailand at Vietnam (one point) sa Rajamangala Stadium.

“The victory over Vietnam puts us in a good position. It is in our own hands whether we proceed to the next round or not. The situation within the group is that every team still has a chance to go through,” sabi ni German coach Michael Weiss sa kanyang Azkals. 

“So we should put ourselves in a winning mode and go for a win. So that everything is safe and we don’t have to depend on the result of the other teams,” dagdag pa nito.

Ang tagumpay kontra sa Myanmar ang awtomatikong magpapasok sa Azkals sa kanilang ikalawang sunod na semis stint sa AFF Suzuki Cup matapos noong 2010 kung saan nila binigo ang Vietnam.

Ang draw naman sa Myanmar ang magbibigay ng komplikasyon sa Azkals.

Ito ay kung mananalo ang  Vietnam sa Thailand.

Matapos maitulak sa 1-1 draw ang kanilang laro ng Vietnam, yumukod naman ang Myanmar sa Thailand, 0-4.

Sapul noong 1995, anim na beses natalo ang mga Pinoy booters sa Myan­­mar.

Show comments