MANILA, Philippines - Bubuksan ng La Salle ang tangkang ikatlong sunod na titulo sa UAAP women’s volleyball laban sa UST sa Linggo sa The Arena sa San Juan.
Ang Lady Archers ang siyang itinuturo na patok uli sa torneo ng mga katunggali kahit wala na ang kanilang team captain na si Cha Cruz.
“We will work hard for it. Feeling ko, lahat ng paghihirap namin will be good for us as we try to reach our goal,” wika ng nagdaang taong MVP na si Abigail Marano nang nakasama sa mga humarap sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Handa namang biguin ang hanap na tagumpay na ito ng La Salle ng Lady Tigress na huling nakatikim ng panalo ay noon pang 2009-2010 season.
Dumalo rin sina Pau Soriano ng Adamson, Dindin Santiago ng host NU at Leuseht Dawis ng UE.
“Walang pressure sa akin. Masaya ako dahil maipapakita ko uli ang laro ko,” wika ni Santiago na dating manlalaro ng UST at naupo sa huling dalawang seasons para sa residency requirment matapos lumipat sa Lady Bulldogs.
Dumalo rin si NU athletic director at UAAP secretary-general Junel Baculi sa pagpupulong at sinabi niya na bukod sa volleyball, ang larong fencing, football, athletics, baseball at softball ang iba pang nakahanay sa second semester games ng liga.