Gems tumiklop sa Rising Suns
MANILA, Philippines - Nagtambal sina Chris Exciminiano at James Forrester sa mahalagang yugto ng laro upang hawakan ng Cagayan Valley Rising Suns ang 86-82 panalo sa Cebuana Lhuillier sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Quezon City.
May 24 puntos si Exciminiano habang 17 ang ginawa ni Forrester para sa Suns na nakitaan din ng tibay sa depensa sa endgame para umabante sa 4-1 karta.
Bumaba ang Gems sa 2-3 at nasayang ang hinawakan na 82-81 bentahe sa huling 1:36 nang mapabayaan sina Forrester at Exciminiano.
Kumawala ng jumper si Forrester para agawin ng Suns ang kalamangan bago tinapos ni Exciminiano, na dating manlalaro ng Cebuana, ang hininga ng kalaban sa tatlong sunod na puntos.
Matapos ang split ni Exciminiano para sa dalawang puntos na kalamangan, nagkaroon si Raymund Aguilar ng pagkakataon na itabla ang laro nang nalagay sa 15-foot line.
Pero sablay ang dalawang birada niya.
Nabalik pa sa Gems ang opensa pero nawala ang bola kay Aguilar na nagresulta sa puntos pa ni Exciminiano.
Nagpasabog naman si Mike Parala ng 20 puntos mula sa 9-of-10 shooting upang pamunuan ang 78-66 panalo ng Café France sa Informatics.
Dikitan ang labanan sa loob ng tatlong yugto bago rumatsada ng 6-0 start ang Bakers para maiwanan na ang Icons.
Ito ang ikatlong panalo ng Bakers matapos ang limang laro.
- Latest