MANILA, Philippines - Nakaambang suspensyon mula sa International Olympic Committee (IOC) ang siyang nagtulak sa tatlo-kataong election committee na itinayo ng POC para pagbawalang tumakbo si Go Teng Kok sa halalan sa Nobyembre 30.
Walang opisyal na dokumento na ipinalabas ang komite na binubuo nina chairman Victorico Chaves at mga kasapi na sina Ricky Palou at Bro. Bernie Oca pero sa panayam kay Palou, sinabi niyang hindi makakabuti sa palakasan ng bansa kung papayagang lumahok si Go.
Si Go ay nagbabalak na labanan ng one-on-one ang dating kaalyado na si Jose Cojuangco Jr. para sa pampanguluhan ng POC.
“It will do more harm than good,” wika ni Palou na nakasama sa pagpupulong ng komite noong Huwebes para talakayin ang problema kay Go.
“Natatakot kami na i-suspend ng IOC ang POC,” dagdag ni Palou.
Kasong government intervention ang ikareresulta sa pagsuspindi sa Pilipinas ng IOC dahil pumasok na ang Korte Suprema sa problema ni Go.
Kinatigan ng SC ang desisyon ng Pasig RTC na nagsasawalang bisa sa persona non grata kay Go ng POC General Assembly dahil hindi sumipot ang legal counsel ng POC at hindi tumugon sa mga katanungan sa kaso.
Ngunit hindi si Go ang dumulog sa Korte Suprema kundi ang POC sa hangaring mabaligtad ang desisyon ng Pasig RTC.