Leyte tuloy pa rin sa pananalasa: Cebu humataw ng gold sa combat sports

TACLOBAN CITY, Philippines--Gumawa ng ingay ang Cebu City nang mamayagpag sa combat sports sa kabila ng patuloy na pagdomina ng host Leyte Sports Academy-Smart sa Visayas leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 kahapon dito.

Sa kanilang mga panalo sa karatedo, taekwondo at arnis, nakahabol ang Cebu City sa overall standings sa kanilang hinakot na 28 gold, 22 silver at 25 bronze medals sa qualifying leg para sa National Finals sa Disyembre sa Iloilo City.

Tangan pa rin ng LSA-Smart, nagdomina sa track and field competitions, ang unahan sa kanilang 34-22-22 tally kasunod ang Bacolod City na may 32-22-20 at Negros Occidental na kumolekta ng 27-13-13.

Kumuha rin ang Cebu City ng mga ginto sa chess competitions sa Governors Hall.

Sa taekwondo, sumipa ang Cebu City ng pitong gold medals sa Leyte Normal University Gym sa pa­mumuno ni Ma. Carme­la Coran na tumao kay Tacloban City bet Maureen Grace Limchaypo sa junior women’s bantamweight.

Ang iba pang kumuha ng ginto sa kani-kanilang mga events ay sina Aila Marie Lepon (lightweight), Micah Marie Mission (welterweight), Marie Hans Therese Espina (middleweight), Sal Luiji Estrada (junior men finweight), Kylle Jhon Flores (featherweight) at Yutaka Toyoda (lightweight).

Ilang siyudad naman sa Cebu ang pumitas ng ginto sa karatedo sa Dep-Ed Regional Office Gym kung saan sa kabuuang 11 gold medals ay lima ang sinikwat ng Cebu City kasunod ang tig-tatlo ng Mandaue at Lapu Lapu City.

Sa arnis, pitong ginto ang inihataw ng Cebu City.

 

Show comments