MANILA, Philippines - Lumangoy agad sa tig-tatlong ginto ang magkapatid na sina Delia Angela at Denjylie Cordero, Gian Berino at EJ Lobres para mamuro sa hangad na maging multi-gold medalists sa 3rd Nikki Coseteng Swimming Championships sa Rizal Memorial Swimming pool kahapon.
Lumangoy para sa Barracuda Stars, binura rin ng 17-anyos na si Cordero ang mga dating PSL record sa girls 15-17 200m IM at 400m free sa ginawang 2:34.55 at 4:43.50 tiyempo. Ang ikatlong ginto ay sa 100m butterfly niya kinuha sa 1:04.90 oras.
Ang 20-anyos na si Cordero na kabilang din sa Stars ay may bagong marka at isang AAA time sa girls 18 & over sa 200m IM sa 2:29.06 bukod pa sa bagong PSL record sa 400m free sa 4:44.62. Isa pang panalo ang kinuha ni Cordero sa 100m butterfly sa 1:09.35 oras.
Si Berino, ang 18-anyos manlalangoy ng Diliman Preparatory School ay gumawa ng bagong marka sa boys 18 & over sa 200m IM sa 2:21.09 at 100m butterfly sa 1:01.59. Sa 400m freestyle nakuha ni Berino ang ikatlong ginto sa 4:23.53 bilis.
Bagong marka sa boys 13-14 400m free (4:47.30) at 100m butterfly (1:02.97) ang ginawa ng 14-anyos na si Lobres ng Susan Papa Swim Academy bukod pa dominasyon sa 200m IM sa 2:33.28 tiyempo.
May 24 events ang Hanap ng torneo ang huling 24 swimmers na sasanayin sa loob ng ilang buwan para mapabilang sa Pambansang koponan na sasali sa 2013 University Games sa Kazan, Russia.
Ang PSL ang siyang magpapadala ng Pambansang koponan sa Universiade dahil ang grupo ang kinikilala bilang National Sports Associatoin (NSA) ng International Federation of School Sports (FISU) matapos mapabilang sa Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP).