TACLOBAN CITY , Philippines --Ipinagpatuloy ng Leyte Sports Academy-Smart ang kanilang ratsada sa athletics event nang kumopo ng siyam na gintong medalya sa Visayas leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012.
Binanderahan nina runners Leah Joan Creer at Aldrin Hermosilla ang koponan.
Kinuha ni Creer ang ginto sa girls 14-15 200-meter sa kanyang bilis na 26.7 segundo matapos dominahin ang century dash (12.7 seconds) at 400m run (1:02.2) kamakalawa.
Pinitas naman ng fourth-grader na si Hermosilla ang gold medal sa boys 13-under 1,500m makaraang dominahin ang 2,000m at relay events.
Binubuo ng 54 students na nag-aaral at nagsasanay sa Leyte Sports Development Center, nagtala ang LSA-Smart tracksters ng 32 gold medals para gitlain ang regional powerhouse teams mula sa Western Visayas at Cebu City.
Pito naman sa kanilang 10 boxers ang umabante sa finals sa Capitol Gym.
Sa swimming, patuloy ang agawan sa karangalan ng Bacolod at Negros Occidental nang kumuha ng tig-pitong gintong medalya.
Kumuha sina Remselle Limaco at Gwen Joy del Carmen ng tig-tatlong ginto para sa Bacolod matapos magreyna sa girls 13-15 100m backstroke, 200m individual medley at 50m freestyle, at sa girls 12-under 100m back, 50m back at 50m free, ayon sa pagkakasunod.
Ibinulsa naman ni Kyla Isabelle Mabus ang kanyang pang-limang gold medal sa panalo niya sa girls 13-15 100m butterfly.
Dalawang ginto ang inangkin nina Merced Divina Rojo at Lorenzo Xavier Abello para sa Negros Occidental.
Namayani si Rojo sa girls 12-under 100m fly at 200m IM, habang nagbida si Abello sa boys 13-15 1,500m free at 100m breaststroke.