MANILA, Philippines - Matapos madiskaril ng Tropang Texters noong Miyerkules, muling pipilitin ng Mixers na makamit ang ikatlong quarterfinals berth sa pagsagupa sa Express.
Maghaharap ang San Mig Coffee at ang Air21 ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Meralco at Globalport sa alas-5:15 ng hapon sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang liderato mula sa kanilang 9-2 record kasunod ang Rain or Shine (8-3), San Mig Coffee (7-3), Barangay Ginebra San Miguel (5-5), Meralco (5-5), Alaska (5-6), Petron (4-6), Air21 (4-6), Barako Bull (3-7) at Globalport (1-9).
Tinalo ng Tropang Texters ang Mixers, 92-63, noong Miyerkules kung saan nalimitahan sa 13 points si two-time PBA Most Valuable Player James Yap kasunod ang 12 ni Joe Devance at 10 ni JC Intal.
Nanggaling din sa kabiguan ang Express nang matalo sa Elasto Painters, 62-71, noong Sabado sa Tubod, Lanao del Norte na pumigil sa kanilang three-game winning streak.
Muling ibabandera ng San Mig Cofee sina Yap, Devance, Intal, PJ Simon at Yancy De Ocampo katapat sina Mike Cortez, Niño ‘KG’ Canaleta, Mark Isip, John Wilson, Bonbon Custodio at Nonoy Baclao ng Air21.
Sa unang laro, pilit namang babangon ang Bolts mula sa kanilang 98-102 overtime loss sa Elasto Painters kamakalawa sa kabila ng pagtatayo nila ng isang 26-point lead sa third period sa pagharap nila sa Batang Pier.
Sa naturang laro, tinawagan si Meralco rookie Cliff Hodge ng Flagrant Foul 1 imbes na Flagrant Foul 2 nang sikuhin si Rain or Shine guard Ryan Arana.
“We will ask for review on Friday,” sabi ni Elasto Painters’ team manager Boy Lapid. “We thought Cliff Hodge should have been called for an F2, but he was only called for an F1.”