MANILA, Philippines - Hindi mo matatawaran ang puso ng mga Elasto Painters.
Bumangon ang Rain or Shine mula sa isang 26-point deficit sa third period upang talunin ang Meralco sa overtime, 102-98, at sikwatin ang ikalawang quarterfinals seat sa 2012-2013 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Dinuplika ng Elasto Painters ni Yeng Guiao ang kanilang 106-81 pagdurog sa Bolts ni Ryan Gregorio sa una nilang pagkikita noong Nobyembre 4.
“Coach Ryan (Gregorio) said last week that they were just complacent when they lost to us by 25 points,” sabi ni Guiao. “I think naging complacent lang ulit sila.”
May 8-3 baraha ngayon ang Rain or Shine sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (8-2) kasunod ang San Mig Coffee (7-2), Barangay Ginebra San Miguel (5-5), Meralco (5-5), Alaska (5-6), Petron (4-6), Air21 (4-6), Barako Bull (3-7) at Globalport (1-9).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Tropang Texters at ang Mixers habang isinusulat ito.
Humakot si Gabe Norwood ng 15 points, 11 rebounds at 2 shotblocks para sa pagresbak ng Elasto Painters mula sa 30-56 agwat sa third quarter upang agawin ang unahan kontra sa Bolts, 68-67, sa 9:28 ng fourth period.
Iniwanan ng Rain or Shine, nagkampeon sa nakaraang PBA Governors Cup, ang Meralco sa 80-72 sa 5:05 ng nasabing yugto at sa 88-79 sa 1:54 nito.
Sa likod ng tatlong sunod na three-point shot ni Sol Mercado, nakatabla ang Bolts sa Elasto Painters sa 88-88 sa huling 35.7 segundo patungo sa extension period.
Ang dalawang freethrows ni Reynel Hugnatan at basket ni Mercado ang nagbigay sa Meralco ng 92-88 bentahe sa 4:32 ng overtime kasunod ang ratsada nina Norwood at Beau Belga para sa 95-92 abante ng Rain or Shine sa 2:59 nito.
Rain or Shine 102 - Chan 25, Norwood 15, Belga 15, Tang 12, Araña 11, Cruz 10, Quiñahan 6, Matias 5, Rodriguez 3, Jaime 0.
Meralco 98 - Mercado 28, Cardona 12, Hodge 9, Ross 9, Borboran 9, Buenafe 9, Hugnatan 8, Nabong 6, Salvacion 4, Reyes 2, Artadi 2.
Quarterscores: 8-21; 26-40; 60-65; 88-88; 102-98 (OT).