Sumiklab ang mga kamao ni Brian Viloria nung Linggo sa Los Angeles nang patulugin niya si Hernan “Tyson” Marquez ng Mexico sa loob ng 10 rounds.
Mabigat na laban ito para kay Viloria dahil unang-una hindi pipitsugin si Marquez.
Sa pangalan pa lang, matindi ang karakas ni Marquez. Pero hindi siya nakaporma at ang kaisa-isang paraan lang siguro para makaiwas siya sa knockout ay kung kinagat niya sa tenga si Viloria.
Sa halip, gloves ni Viloria ang pinagkakagat ni Marquez na tumumba sa unang round pa lamang ng kanilang unification bout para sa WBO at WBA flyweight titles.
Isang kanan sa panga ang nagpabagsak kay Marquez sa first round. Nasundan na ito ng isang knockout sa fifth round at sa 10th kung saan tuluyang natapos ang laban. Mapa-kanan o mapa-kaliwang suntok ay pinatumba ni Viloria, na may dugong Ilokano, si Marquez.
Sa kanyang edad (32 na siya sa Nov. 24), maganda pa ang pinapakita ni Viloria at siguradong abot-tenga ang mga ngiti ng kanyang manager na si Gary Gittelsohn.
Marami na siyang napatunayan sa loob ng ring at kahit ano pa ang mangyari sa mga susunod niyang laban ay dapat na siyang kilalanin bilang isang champion of champions.
Nasa press row ako ng Cuneta Astrodome nung 2010 nang matalo si Viloria kay Carlos Tamara ng Puerto Rico. Lamang sa scorecard si Viloria bago siya na-knockout sa 12th round.
Akala ko ay katapusan na ni Viloria. Kasama ako ng isinugod siya sa San Juan de Dios Hospital matapos siyang mag-collapse matapos ang laban.
Ilang araw pa lang matapos ang laban ay kasama na namin si Viloria sa isang press conference. Maayos naman ang lagay niya maliban sa pasa-pasang mukha.
Tungkol sa retirement ang mga katanungang hinarap niya. Ang sabi lang niya ay kailangan pa niya ng konting panahon para mag-isip.
Tama ang kanyang naging decision. Dahil matapos ang talo kay Tamara, anim na sunod na panalo na ang kanyang naisagawa. Apat dito ay knockout at apat sa mga ito ay mga Mexicans.
Kaya eto si Viloria, ang kampeon sa flyweight division.
Mabuhay ka Brian!