MANILA, Philippines - Bukas si unified champion flyweight Brian Viloria sa posibilidad na harapin ang walang talong si Roman “Chocolatito” Gonzales kapag bumalik ng ring sa susunod na taon.
Ang 25-anyos na si Gonzales ay hindi pa natatalo matapos ang 34 laban at may 28 KOs. Huling laban niya ay noong Nobyembre 17 at nanalo siya kay Juan Francisco Estrada sa pamamagitan ng unanimous decision.
Sa araw na ito ay lumaban din si Viloria at humirit ng 10th round TKO panalo laban kay Hernan Marquez ng Mexico.
Kinumpirma ng kanyang manager na si Gary Gittelsohn na kasama sa kanilang sinisipat si Gonzales pero nakadepende ito kung papayag siyang umakyat ng timbang dahil siya ang hari sa light flyweight division.
Si Viloria ay nakatak-dang bumalik ng Pilipinas upang dito simulan ang gagawing pamamahinga na maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan.
“I won’t be fighting again until three to four months so we’ve got time to negotiate,” wika ni Viloria.
Bukod kay Gonzales, puwede ring harapin ni Viloria si WBC flyweight champion Toshiyuki Igarashi para makumpleto ang pagsasama-sama sa lahat ng titulo sa pinaghahariang dibisyon.
Hindi rin mangingimi si Viloria na umakyat ng 115 pounds kung may magandang kalaban na maghahatid sa kanya ng magandang kita.