Batang Pier ibinaon pa sa hukay Boosters nagpalakas
MANILA, Philippines - Kasabay ng muling paglalaro ni 2012 PBA No. 1 overall pick June Mar Fajardo, dumiretso ang Boosters sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Inilampaso ng Petron Blaze ang nanganganib na Globalport, 110-81, tampok ang 22 points, 6 rebounds at 6 assists ni Fil-Am Chris Lutz para palakasin ang kanilang tsansa sa quarterfinal round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha na ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang unang silya sa quarterfinals mula sa kanilang 8-2 record kasunod ang San Mig Coffee (7-2), Rain or Shine (7-3), Meralco (5-4), Alaska (5-5), Ginebra (4-5), Petron (4-6), Air21 (4-6), Barako Bull (3-7) at Globalport (1-9).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Gin Kings at Aces habang isinusulat ito.
Ito ang unang pagkakataon na bumalik sa basketball court ang 6-foot-8 na si Fajardo matapos ang kanyang ‘scrotum injury’ noong Oktubre 14 kung saan siya naglista ng 16 points, 13 boards at 3 steals sa 84-90 kabiguan ng Boosters sa San Mig Coffee Mixers.
“He’s a big addition ngayon kasi si Danny I (Ildefonso) hindi makakalaro,” sabi ni coach Olsen Racela kay Fajardo. “It was his first game since October 14. He just practice this week, so medyo kulang pa siya sa hangin. Now we have an inside presence and defensively, malaking bagay siya sa amin.”
Laban sa Batang Pier, tumapos si Fajardo na may 14 points, 7 rebounds, 1 steal at 1 shotblock para sa Boosters sa ilalim ng 20 markers at 13 boards ni 6’3 Arwind Santos.
Kaagad na kinuha ng Petron ang first period, 27-15, kung saan tumipa ng pinagsamang 14 points sina Santos at Lutz patungo sa kanilang 22-point lead, 45-23, kontra sa Globalport sa 6:17 ng second quarter.
Tuluyan nang ibinaon ng Boosters ang Batang Pier sa third period, 81-53, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang sa tatlong sunod na talo.
- Latest