Kampo ni Dapudong humihingi ng rematch
MANILA, Philippines - Humihingi ng rematch ang kampo ni Edrin Dapudong matapos lumasap ng kontrobersyal na split decision na pagkatalo laban kay South African Gideon Buthelezi noong Linggo para sa bakanteng International Boxing Organization (IBO) super flyweight title na ginawa sa Emperor’s Palace sa Kempton Park Gauteng, South Africa.
Ayon kay dating North Cotabato governor Manny Pinol na kasama ang promoter na si Aljoe Jaro ay nakasama ni Dapudong sa paglipad sa South Africa, naghahanda na siya ng sulat para sa IBO upang ireklamo ang pandaraya na ginawa sa 26-anyos na Filipino boxer.
“I am preparing a formal letter addressed to IBO president Ed Levine. I am asking for a review of the video tape of the fight and we are seeking a rematch. I have also already advised GAB about this,” wika ni Pinol.
Basag ang mukha ng dating two-division champion na si Buthelezi at natumba pa sa ninth round nang tamaan ng malakas na left hook ni Dapudong.
Pero nakabangon pa at nagawang tapusin ng hometown fighter ang laban para ideklarang panalo nina Tony Nyangiwe ng South Africa at Michael Pernick ng Miami, Florida sa ibinigay na 115-112 at 115-113 iskor.
Ang ikatlong hurado na si Reg Thompson ng Great Britain ang pumabor kay Dapudong sa 114-113.
Hinihiling din ng kampo ni Dapudong na patawan ng sanction si Pernick dahil lumabas sa kanyang scorecard sa ninth round na 10-9 panalo ang Pinoy boxer.
Pero mali umano ito wika ni Pinol, dahil bumagsak si Buthelezi kaya’t dapat ay 10-8 ang iskor.
- Latest