Napatid ang five-game winning streak ng Alaska Milk nang payukuin ito ng Rain or Shine, 101-93 noong Miyerkules.
Sayang at hindi napantayan ng Aces ang pinakamahabang winning streak ng season so far. Ito’y ang six-game winning streak ng defending champion Talk N Text na sila ang pumatid dalawang Biyernes na ang nakalilipas. Ang Alaska Milk ang unang nagpatikim ng kabiguan sa Tropang Texters, 94-92.
Kahit paano’y maipagyayabang nila iyon.
Pero dapat sana’y nakahugot sila ng karagdagang inspirasyon sa panalong iyon papasok sa laban kontra sa Elasto Painters.
Sa halip ay natalo nga sila.
Sa totoo lang, consistent na consistent itong Rain or Shine. Kahit pa sabihing dalawa na ang talo ng Elasto Painters, makikitang buong-buo ang diskarte nila. Malaking bagay talaga ang pangyayaring nagkampeon sila sa nakaraang Governors Cup. Kumbaga’y bilib na sila sa kanilang sarili at alam nilang mayroon silang ibubuga.
Ito ang kaisipang nais na makamtan ng Aces.
Kasi nga’y nasanay sila sa mahabang panahon na ang humahawak sa kanila ay si Tim Cone. Nahirati sila sa sistema nito. At nang lumipat si Cone sa San Mig Coffee (dating B-Meg Llamados), parang naulila ang Aces.
Pansamantala silang hinawakan ni Joel Banal for two conferences. Ngayon ay nasa ilalim sila ni Luigi Trillo na nasa ikalawang torneo niya bilang head coach.
Marami na ring pagbabago ang pinagdaanan ng Alaska Milk sa apat na conferences buhat nang iwanan sila ni Cone. Iilan na lang sa mga Aces ang nakapaglaro sa ilalim ni Cone.
So, kumbaga’y naghahanap pa ng identity ang Aces.
At sa takbo ng pangyayari, parang nakukuha na nila ang nais na direksyon ni Trillo. Kung hindi, mananalo ba sila ng limang sunud-sunod na games?
Iyon ang maganda, e. Napatid man ang kanilang winning streak, kahit paano’y may nabuo namang kumpiyansa sa panig ng Aces. Alam nila na tama na ang kanilang ginagawa. Alam nila na may magandang mapupuntahan ang sistema ni Trillo.
Kaya naman napakahalaga ng laban ng Alaska Milk kontra San Mig Coffee mamayang 6:30 pm sa Hoops Dome sa Lapu-lapu City, Cebu.
Kasi nga’y makakalaban nila ang dati nilang coach.
Hindi naman ito ang unang pagtatagpo ng Aces at ni Cone. Maraming beses na silang naglaban noong nakaraang season. Pero palaging namamayani si Cone at ang B-Meg. Kumabaga’y para bang nauukilkil sa kanilang isipan na hindi nila kayang talunin ang kanilang dating coach.
At iyon ang nakapagpapababa lalo ng kanilang morale.
Kung sa kanilang pagtatagpo bukas ay makakaganti na ang Alaska Milk sa coach na nang-iwan sa kanila, malamang na magtuluy-tuloy na ang pag-move on ng Aces.
Ang panalo kontra San Mig Coffee ay maghuhudyat ng isang tunay na bagong panimula para sa Alaska Milk.
Iyon ang magiging motivation ni Trillo.