MANILA, Philippines - Nililigawan uli ng pamunuan ng Letran ang kanilang head coach na si Louie Alas para maupo uli sa kanilang bench sa papasok na 2012-2013 NCAA season.
Naihatid ni Alas ang Knights sa finals pero minalas na natalo sa San Beda sa deciding Game Three.
Matapos ang laro, inihayag ng 49-anyos na coach na iiwan na niya ang pagko-coach upang makapagpahinga.
Tumagal si Alas ng 12 taon sa Letran at tatlong beses na pinagkampeon ang Knights.
Mahalaga ang makukuhang desisyon sa beteranong coach na sumalang din sa PBL, MBA, PBA at ABL, dahil ang Knights ay kasali rin sa Philippine Collegiate Champions League na magsisimula na sa buwang ito.
“We have no basketball coach yet because we’re still waiting for a decision, which will come from the higher-ups. What we can do is to wait and see what happens,” wika ng athletic director ng Letran at chairman ng Management Committee na si Fr. Vic Calvo, OP.
Nakipagpulong kahapon si Alas sa pamunuan ng paaralan at inaasahang maglalabas siya ng desisyon sa loob ng ilang araw.
Bigo man na madala sa kampeonato ay makulay pa rin ang taon para kay Alas dahil nagawa niyang ibangon ang Knights mula sa 4-5 karta matapos ang unang round.
Walo sa siyam na sumunod na laro ang naipanalo ng koponan bago winalis ang dalawang laro nila ng San Sebastian sa Final Four upang makuha ang karapatang labanan ang Red Lions.
Sa 12 taon ni Alas sa Knights, 10 beses na pumasok sa playoff ang paaralan at siya ay may 135-68 win-loss record bukod pa sa 16-3 sa playoff round.