Naka-3 gold Sa 17th Asia Masters Athletics Championships Lavandia may pahabol pang ginto

CHINESE-TAIPEI--Mu­ling ibinandera ni Erlinda Lavandia ang laban ng Pilipinas sa 17th Asia Masters Athletics Championships nang kumubra ito ng kanyang ikatlong ginto sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon sa Taipei City, Sports Park sa Chinese Taipei.

Ang 60-anyos na si Lavandia ay nanaig sa wo­men’S 60-64 hammer throw sa naitalang 24 meters marka at madaling tinalo ang mga Haponesang katunggali na sina Seki Meriko (19.16m) at Sato Hiroko (17.71m).

Ito ang ikatlong ginto ni Lavandia sa torneo matapos manalo rin sa javelin throw at discus throw upang pantayan ang naitala noong 2010 nang manalo rin ng tatlong ginto sa larangan ng javelin throw, discus throw at shot put sa 55-59 age class.

Ang Pilipinas ay nagtala ng limang ginto at isang bronze medal sa huling edisyon na nilaro sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay mayroon ng walong ginto bukod pa sa pitong pilak at limang bronze me­dals at bukod kay Lavandia, si Lerma Bulauitan-Gabito ang isa pang multi-gold medalist ng delegasyon matapos manalo sa 100m at long jump sa 35-39 ca­tegory.

Nakasama si Bulauitan-Gabito sa 4x100m relay team pero ang koponang nakitaan din ng pagtakbo nina Elenita Punelas, Rosejean Yparraguirre at Victorina Calma ay pumangatlo lamang sa 1:00.14.

Bronze medal din ang naihatid nina Salve Bayaban, Perla Lobos, Aurora Ramos at Lorna Vejano sa 4x100m, 45-49 category.

Lumalaban pa ang men 45-49, 4x400 relay team habang sinusulat ito.

 

Show comments