Erasers, Big Chill nanalasa

MANILA, Philippines - Tinapos ng Erase Xfoliant ang maagang pagsikat ng Cagayan Valley Rising Suns habang naipakita ng Big Chill ang pormang naghatid sa kanila ng pangalawang puwesto sa pagbabalik ng PBA D-League Aspirant’s Cup kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Gumawa ng 22 puntos si Jett Vidal habang nagbigay ng matinding suporta sina Nate Matute at Mark Mendoza na may 20 at 19 puntos para sa Erasers na tuluyang ibinaon ang Suns sa ikatlong yugto, 78-55, matapos umiskor sa quarter ng 31 puntos.

Unang pagkatalo ito ng Suns matapos ang magka-dikit na panalo at nasayang ang 23 puntos ni Mark Bringas.

Inagaw na ng Super Chargers ang liderato nang kunin ang ikalawang dikit na panalo sa pamamagitan ng 74-63 panalo sa Blackwater Sports.

Humugot ang tropa ni coach Robert Sison sa ka­nilang mga guards na sina Terrence Romeo, Janus Lozada at Mar Villahermosa para biguin ang asam na magandang panimula ng pinalakas na Elite.

Show comments