MANILA, Philippines - Nalalagay sa peligro na hindi matuloy ang gaga-wing ranking tournaments ng Raya Sports na katatampukan ng mga dayuhang cue-artist sa buwang ito matapos magpalabas ng liham ang international federation na hindi nila kikilalanin ang nasabing torneo.
Sa kalatas ng WPA Board of Directors noong Oktubre 24, napilitan silang alisan ng pagkilala ang dalawang ranking events na plano ng Raya Sports dahil hindi nakikipag-ugnayan ang nagpapalaro sa IF.
“The WPA Board of Directors has taken the decision to withdraw the sanctioning of the World Ten Ball Championship and World Summit events that were scheduled for next Month, November, in Manila,” wika ng sulat ng WPA na pinangungunahan ni Ian Anderson.
Ilang beses na umano nilang sinikap na makausap ang mga opisyales ng Raya Sports pero nabigo sila na makakuha ng kahit anong tugon.
“Despite repeated attempts, we were unable to obtain any necessary information from the organizers, Raya Sports, about the events. This has left the WPA Board with no alternative but to withdraw the sanctioning,” dagdag dito.
Naunang sinabi ng Raya Sports ang pagkansela sa itinakdang 2012 WPA World Ten Ball Championship noong Oktubre 9 hanggang 14 dahil sa problema sa kagamitan.
Dahil dito, papalitan nila ang torneo ng dalawang WPA World ranking tournament para sa kalalakihan at kababaihan na itinakda mula Nobyembre 26 hanggang 28 at Disyembre 1 hanggang 4 sa Skydome sa SM North Edsa.
Katatampukan din ang kaganapan ng dinner ceremony sa Disyembre 4 na kung saan dito sasabihin kung sino ang hihiranging 2012 WPA Male at Female Player of the Year.
Idinagdag ng WPA na hindi nila pipigilan ang mga dayuhan at iba pang pool players na sumali sa nasabing palaro pero wala silang makukuhang puntos.