Gadi, Carlos kampeon pa rin sa MVP-PBaRS

MANILA, Philippines - Madaling tinalo nina Toby Gadi at Bianca Carlos ng Golden Shuttle Foundation (GSF) ang mga naka­laban upang mapanatili ang hawak na kampeonato sa Open divisions sa pagtatapos ng MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) Makati leg  kahapon sa Makati Coliseum.

Ang 23-anyos na si Gadi na fourth year AB International Studies student ng Ateneo ay nagdomina kay second seed Paul Vivas ng Phl Team-Victor, 21-16, 21-9, para kunin ang men’s title sa ikaanim na sunod na pagkakataon.

Si Carlos na kampeon sa Cebu leg ay nanalo uli kay Gelita Castilo, 21-16,  21-15, para sa ikalawang sunod na titulo sa torneong suportado ng MVP Sports Foundation at Victor PCOME Industrial Sales Inc. na nagpapamahagi ng Victor equipment.

Si Vice President at Philippine Badminton Association president Jejomar Binay, POC president Jose Cojuangco Jr. at PBA Party-list Rep Mark Sambar ang nakasama ni tournament director Nelson Asuncion na naggawad ng medalya sa mga nagsipanalo.

Tumanggap din si­na Gadi at Carlos ng P70,000.00 premyo sa pagkapanalo.

Si Justin Natividad na manlalaro rin ng GSF ang kampeon sa boys’ U-19 nang sibakin si Lance Bautista, 21-15, 21-17 habang ang mga pambato ng WWGBA na sina Frell Gabuelo at Saray Joy Barredo ang kampeon sa U-15 category.

 

Show comments