MANILA, Philippines - Bumangon si top seed Toby Gadi mula sa first set pagkatalo tungo sa 16-21, 23-21, 21-15, panalo laban kay Kevin Dalisay ng Philippine Team-Victor para umabante na sa finals ng men’s Open singles sa MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) Makati leg kahapon sa Makati Coliseum.
Nakitaan ng tibay at determinasyon ang five-time champion na si Gadi nang pawiin din niya ang 19-20 iskor pabor sa kalaban sa second set gamit ang magagandang depensa at atake upang malusutan ang pinakamatinding laban na dinaanan ng nasabing player sa torneong may basbas ng MVP Sports Foundation at suportado rin ng Victor PCOME Industrial Sales Inc.
Ang makakalaban ni Gadi sa finals ay si 2nd seed Paul Vivas na pinagpahinga si eight seed Andrei Babad, 21-18, 24-22, sa isa pang semis match.
Ang mga kasamahan ni Gadi sa Golden Shuttle Foundation (GSF) na sina Gelita Castilo at Bianca Carlos ang siyang maglalaban naman para sa women’s Open title.
Pinagpahinga ni Castilo si Danica Bolos, 21-8, 21-10, habang nanalo si Carlos kay Amabel Sumabat ng WWGBA, 21-16, 21-19.
Pasok rin si Carlos sa finals sa girls’ U-19 nang hiritan ng 21-7, 21-13, si Patrisha Malibiran.