MANILA, Philippines - Sa kanilang 92-91 pagtakas sa Energy Cola noong Linggo, inamin ni Mixers head coach Tim Cone na masyado silang umasa kay two-time PBA Most Valuable Player James Yap.
“We got a little bit too James reliant on the fourth. We gotta get more guys involved,” ani Cone kay Yap na tumapos na may 21 points kasunod ang 15 ni PJ Simon. “Last play was supposed to go to PJ but they gave the ball to James. I feel sorry for James we put a lot of pressure on him.”
Asam ang kanilang ikalawang sunod na panalo, lalabanan ng San Mig Coffee ang Globalport ngayong alas-5:15 ng hapon sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay maghaharap naman ang Meralco at ang Barako Bull.
Bukod kina Yap at Simon, muling aasahan ni Cone sina Marc Pingris, Mark Barroca, Yancy De Ocampo at Rafi Reavis.
May 3-2 baraha ang San Mig Coffee katabla ang Meralco sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (6-0), Alaska (4-2) at Rain or Shine (4-2) kasunod ang Petron Blaze (3-3), Barangay Ginebra San Miguel (2-4), Barako Bull (2-4) Globalport (1-5) at Air21 (1-5).
Nanggaling naman ang Batang Pier sa 98-110 pagyukod sa Boosters noong Oktubre 26.
Sa ikalawang laro, target naman ng Bolts ang kanilang pangalawang dikit na ratsada sa pagharap sa Energy Cola.
“We like our position right now. We like to sustain our effort against Barako 10 days in between we’re gonna use it to sharpen our game,” wika ni Meralco mentor Ryan Gregorio.