Gesta tiwalang mananalo kay Vazquez

MANILA, Philippines - Naniniwala si Mercito Gesta na kaya niyang talu­nin si Miguel Vazquez na hari ng IBF lightweight division.

Sinaksihan ng 25-an­yos tubong Mandaue City na si Gesta ang Mexica­nong si Vazquez nang nagdepensa siya ng titulo laban sa kababayang si Marvin Quintero noong Oktubre 27 at nanalo ang kampeon gamit ang split decision.

“He has a lot of tactics and stuff, but I think  just  the speed, I think that’s my advantage with this guy,” wika ni Gesta sa panayam ng Examiner.com.

Hindi pa natatalo matapos ang 27 laban kasama ang 14KOs, bibigyan ng pagkakataon si Gesta na mailinya ang sarili bilang isang world champion sa pagharap kay Vasquez sa Disyembre 8 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Undercard si Gesta sa ikaapat na pagkikita nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez na handog ng Top Rank.

Ito ang unang pagkaka­taon na mapapalaban si Gesta sa world title pero dati na siyang kampeon sa WBO NABO Youth lightweight division matapos ang fourth round retired panalo na kinuha laban kay Oscar Meza noong 2010.

Nag-pro noong 2003, ang unang 11 laban ni Gesta ay ginawa sa Pilipinas at ang tanging dungis sa kanyang marka ay ang tabla na laban kontra kay Rey Llagas noong 2005.

May dalawang laban na rin si Gesta sa taong ito at umani siya ng parehong TKO wins laban kina  Oscar Cuero ng Colombia at Ty Barnett ng USA noong Abril 14 at Agosto 3.

Si Vasquez ay beterano ng 35 laban at 32 ang kanyang naipanalo at 13 naman ang natulog ng maaga sa laban.

 

Show comments