US open 9-ball championship :palaban pa ang mga pinoy

MANILA, Philippines - Apat pang Pinoy cue-artist sa pangunguna ng one-time champion Efren “Bata” Reyes ang palaban para sa puwesto sa final round sa idinadaos na 37th Annual US Open 9-Ball Championship sa Holiday Inn Virginia Beach, Virginia, USA.

Ang 58-anyos na si Reyes, na siyang natata­nging Filipino na nanalo sa prestihiyosong torneo ay nanaig kina two-time defen­ding champion Darren Appleton ng Great Bri-tain, 11-10, at Wang Can ng China, 11-7.

Sunod niyang hahara­pin si Dennis Orcollo na tinalo naman sina Mike Davis ng USA, 11-5, at Niels Feijen ng Netherlands, 11-8.

Ang mananalo sa tapatang ito ang aabante sa final bracket habang ang matatalo ay magkakaroon pa ng pagkakataong makaabante kung mana­nalo sa laban sa loser’s bracket.

Si Jose Parica at Ro­nato Alcano ay nagsipanalo rin para maging palaban sa winner’s group.

Tinalo ng 63-anyos na si Parica sina Raj Hundal ng India, 11-10, at Earl Strickland ng USA, 11-5, upang ikasa ang pakikipagsukatan kay Jayson Shaw ng USA.

Si Alcano ay nanaig sa mga matitikas na kalaban na sina Mika Immonen ng Finland, 11-4, at Li He-wen ng China, 11-4, para makatapat si Shane Van Boening ng USA.

Nanalo din si Fil-Cana­dian at dating kampeon Alex Pagulayan kina Daryl Peach ng Great Britain, 11-10, at Chang Jung-lin ng Chinese-Taipei, 11-6, at sunod na kakalabanin ni Johnny Archer  ng USA.

Nasama naman sa mga namahinga na sa ha­nay ng panlaban ng Pilipinas sina Warren Kiamco at Carlo Biado matapos matalo sa loser’s side.

Nasibak si Kiamco kay David Alcaide ng Spain, 6-11, habang natalo si Biado kay Jin Hu Dang ng China, 7-11.

 

Show comments