Enjoy lang ang Adbiento

Happy New Liturgical Year! Ngayon ay Unang Linggo ng Adbiento. Ang Adbiento ay apat na Linggo ng paghahanda sa Kapanganakan ni Hesukristo. Apat na Linggo para linisin ang puso, ayusin ang buhay, at hintayin si Hesus na may pag-asa.

Sa Ebanghelyo ngayon, Marcos 13:33-37, sinabi ni Hesus: “Magbantay kayo. Maging alerto kayo. Hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon.”

Parang may-ari ng bahay na umalis at nagbilin sa kanyang­ mga katulong. Bawat isa may gawain. Ang bantay sa pinto, dapat gising. Kaya magbantay tayo. Hindi dahil takot tayo. Kundi dahil may mahal tayong hinihintay.

May apat na kandila ang Adbiento. Bawat Linggo, may sinisindihan tayo:

Una, Kandila ng Pag-asa. Si Hesus ang liwanag sa dilim.

Pangalawa, Kandila ng Kapayapaan. Si Hesus ang mag­dadala ng katahimikan sa magulong mundo.

Pangatlo, Kandila ng Kagalakan. Kulay rosas ito. Ma­lapit na Siya!

Pang-apat, Kandila ng Pag-ibig. Si Hesus mismo ang Pag-ibig na bumaba sa mundo. Bawat sindi, lumiliwanag ang ating paghihintay.

Sabi ng psychology, ang taong may pinaghahandaan ay mas payapa. Ang tawag dito ay anticipatory joy. Kapag alam mong may darating na mabuti, mas gumagaan ang hirap nga­yon. Kaya ang Adbiento ay hindi lungkot. Ito ay pag-asa. May darating. Paghandaan natin ang pagdating ng Tagapagligtas.

Isipin mo ang isang pamilya sa probinsya. Isang buwan bago mag-Pasko, naglilinis na sila ng bahay. Nag-aayos ng parol. Nag-iipon para sa noche buena. Hindi pa Pasko, pero masaya na sila. Bakit? Kasi ang paghahanda mismo ay ba­hagi na ng tunay na pagdiriwang.

Tulad ni Maria, isang dalagang taga-Nazaret. Wala siyang yaman. Wala siyang titulo. Pero nagbantay siya. Naghintay siya. At nang dumating ang anghel, sinabi niya: “Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita.” At dahil sa kanyang paghahanda, siya ang naging unang tumanggap kay Hesus. Ikaw din.

Manalangin po tayo. Panginoon, sa Unang Linggo ng Adbiento, gisingin N’yo po ang puso ko. Turuan N’yo po akong magbantay, maghintay, at maghanda. Sindihan N’yo po ang pag-asa, kapayapaan, kagalakan, at pag-ibig sa akin. Dumating Ka nawa, Hesus, hindi lang po sa Belen, kundi sa bawat puso namin. Amen.

Show comments