Marso bilang Rabies Awareness Month

Bukod sa pagiging Fire Prevention Month at National­ Women’s Month, kilala rin ang Marso bilang Rabies Awareness Month.

Ito’y sa bisa ng Executive Order No. 84, Series of 1999, na inilabas upang maisulong ang mga epektibong pagkilos para tuluyan na itong mapuksa.

Bahagi rin ng layunin ng EO No. 84 ang pagsasagawa ng information dissemination para mapalawak ang kaalaman ng ating mga kababayan ukol sa panganib ng rabies, hindi lang sa ating mga alagang hayop, kundi pati na rin sa ating buhay.

Ang rabies ay 100 porsiyentong naiiwasan sa tulong ng vaccination ng mga alaga nating hayop.

Kabilang ito sa mga libreng serbisyong alok ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Quezon City Veterinary Department at Quezon City Animal Care and Disease Con­trol Division.

Makukuha ito sa tanggapan ng City Veterinary Clinic sa QC Hall, sa mga barangay, sa ating District Action Offices at sa QC Adoption Center.

Bukod sa anti-rabies vaccine, libre rin ang iba pang ser­bisyo gaya ng microchipping, deworming, konsultasyon, at spay/neuter.

Nagbibigay naman ang ating Animal Care and Adoption Center ng seminar para sa pagiging responsableng pet owner at tumutulong rin sila sa mga nais mag-ampon ng fur babies.

Para naman sa mga nakagat ng alagang hayop, maa­ari kayong magtungo sa pinakamalapit na ospital ng ating lungsod o sa QC Animal Bite Treatment Center na mayroon sa bawat Distrito ng ating siyudad.

Makikita ito sa Project 6 Health Center (District 1), Ba­tasan Hills Super Health Center sa IBP Road, Batasan Hills (Dis­­trict 2), Socorro Health Center sa 15th Avenue (District 3), Tatalon Health Center sa Victory Avenue (District 4), Kaligayahan Health Center at Melchora Aquino Health Center sa District 5.

Sa tala ng City Veterinary Department, nasa 212,566 na aso at pusa ang nakatanggap ng anti-rabies vaccine noong 2024, mas mataas sa 142,332 noong 2023.

Pagdating naman sa kinapon na furbabies, umabot ang bilang sa 5,165 habang ang microchipping naman ay nasa 3,913.

Nagpapasalamat naman tayo na dalawa lang ang naitalang kaso ng rabies sa tao noong 2024 na agad nating nabigyan ng agarang lunas.

Samantala, nakalinya na ang ating mga aktibidad sa pagdiriwang ng Rabies Awareness Month.

Bukod sa libreng veterinary services at veterinary caravan noong nakaraang linggo, nakatakda tayong magsagawa ng rabies awareness livestream sa Marso 26, libreng veterinary services sa Camp Aguinaldo sa Marso 27, at fun run at iba pang veterinary services bilang bahagi ng Car-Free Tomas Morato sa Marso 30.

Show comments